Tuesday, January 7, 2014

Paano nga ba naka-abot ang Pilipinas sa FIBA World?

Paano nga ba naka-abot ang Pilipinas sa FIBA World?
Hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala sa isip ng mga Pilipino ang nakaraang FIBA Asia Championship semifinals.

Ang pagka-injure ni Marcus Douthit. Ang walang patawad ng pag-atake ni Jayson Castro sa ring. Ang dalawang three-points na pinakawalan ni Jimmy Alapag. Lahat yon ay hindi makakalimutan ng mga Pilipinong nanood sa MOA Arena o sa bahay nila.

Ngunit bago ang makasaysayang laro na ito, paano nga ba nakarating ang mga Pinoy sa Finals ng pinakamalaking kompetisyon ng basketball sa Asya? Narito ang isang pagbalik-tanaw

Aug. 1-2 - PHI def. KSA 78-66, PHI def. JOR 77-71

Si Gary David (kanan) ay sumubok ng tira laban sa isang Jordanian defender
Ang unang dalawang laro ay naipanalo ng Gilas Pilipinas, at iba’t ibang manlalaro ang nagbida sa mga larong ito. Si LA Tenorio at Larry Fonacier  ay may tag-labing-dalawang puntos upang pangunahan ang koponan sa pagbigo sa Saudi Arabia, 78-66. Samantala, si Jeff Chan ay nagbuhos ng labimpitong puntos para pangunahan ang Pilipinas sa 77-71 na pagdapa sa Jordan.

Aug. 3 - TPE def. PHI 84-79 

Sumagitsit si Jayson Castro sa gitna ng dalawang player ng Taipei
Matapos ang matagumpay na dalawang laro, nakatikim ang mga Pilipino ng pagkatalo sa kamay ng Chinese Taipei. Hindi napigilan ng Pilipinas ang mainit na tikada sa labas ng Chinese Taipei sa pangunguna ni Cheng-Ju Lu (TPE) at sa kabila ng magandang laro ni Fonacier at Marcus Douthit, natalo ang mga Pinoy 79-84.

Aug. 5-7 - PHI def. JPE 90-71, def. QAT 80-70, def. HKG 67-55

Sinalampak ni Japeth Aguilar ang bola sa laban nila sa Japan
Bumangon sa pagkadapa ang mga Pinoy at tinapos ang eight-final round ng walang bahid ng pagkadapa. Una nilang sinilat ang Japan, 90-71, sa likod ng mainit na shooting ni Chan at ang magandang laro ni Douthit. Sinunod nila ang Qatar, 80-70, sa pangunguna muli ni Chan at Douthit, at ang matibay na laro ni Japeth Paul Aguilar. Huli nila dinispatsya ang Hong Kong, 67-55, gamit ang magagandang laro ni Chan, Jayson Castro, Gabe Norwood, at Douthit.

Aug. 9 - PHI def. KAZ 88-58

Tumira si Gary David sa harap ng isang Kazakh defender.
Nagliyab ang mga kamay ni Gary David sa quarterfinal game na ito, at nagbuhos siya ng dalawampu’t dalawang puntos para pangunahan ang Gilas sa isang 88-58 na pagbigo sa Kazakhstan. Nagbigay naman ng labintatlong puntos si Castro, habang labing-isang puntos naman ang inambag ni Norwood.

Aug. 10 - PHI def. KOR 86-79

Sumalaksak si Jimmy Alapag habang binabantayan ni Kim Min-goo
Pagkatapos ng isang 36-39 na kalamangan ng South Korea sa first half, at ang pagka-injure sa tuhod ni Douthit sa gitna ng second quarter, binuhat ni Marc Pingris sa balikat niya ang Gilas Pilipinas habang iniinda ang isang hamstring injury para sa isang 65-56 na bentahe matapos ang third quarter. At nang subukan ng Korea na humabol sa likod ng shooter Kim Mingoo, napasok ni Jimmy Alapag at Ranidel de Ocampo ang mga importanteng three-point shot upang maselyuhan ang panalo at opisyal na makapasok sa FIBA World Cup.

Aug. 11 - IRI def. PHI 85-71

Tumira si Larry Fonacier habang sinubakang tapalin ni Oshin Sahakian
Nabigo ang Pilipinas na masungkit ang ginto, at parte ng dahilan ang hindi paglaro ni Douthit. Gayunpaman, ang laban ng Pilipinas at Iran ay isang napakagandang laro, sapagkat hindi sumuko ang Pilipinas. Marahil ay ito ay dahilan kung bakit labing-apat na puntos lamang ang pagitan ng laro, ang pinakakaunting lamang sa lahat ng nakalaban ng Iran sa torneyo. Nakasama rin si Jayson Castro sa All-Tournament Team.

No comments:

Post a Comment